Publiko, binalaan ng BOC laban sa mga pekeng COVID-19 vaccine

Suportado ng Bureau of Customs (BOC) ang babala ng Food and Drug Administration (FDA) sa publiko laban sa paglaganap ng mga pekeng bakuna kontra sa COVID-19.

Kasunod ng direktiba ng gobyerno na pagbibigay pahintulot sa pribadong sektor na mag-import ng bakuna, sinabi ng ahensya na posible itong samantalahin sa pamamagitan ng ilegal na paggawa ng mga pekeng COVID-19 vaccine.

Sinabi ng BOC na magdudulot ito ng masamang epekto sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.

Dahil dito, hinikayat ng BOC ang publiko na tumanggap lamang ng bakuna sa mga government-accredited hospitals at clinics.

Ayon pa sa ahensya, agad i-report ang mga hindi awtorisadong pagbebenta, pagkakalat at pagturok ng COVID-19 vaccine.

Tiniyak naman ng BOC ang mabilis na pagproseso ng Personal Protective Equipment (PPE), iba pang medical supplies, at awtorisadong COVID-19 vaccines.

Sa ngayon, nakapag-release na ang BOC ng 15,715 PPE shipments at limang shipments ng COVID-19 vaccines na may humigit-kumulang 2.5 milyong doses ng bakunang gawa ng Sinovac at AstraZeneca.

Siniguro rin ng ahensya na patuloy silang makikipag-ugnayan sa DOH at FDA upang mapabilis ang proseso ng COVID-19 vaccine importations sa bansa.

Read more...