DepEd, may paalala sa pagsasagawa ng early registration

DepEd Facebook photo

Naglabas ang Department of Education (DepEd) ng mga ispesipikong panuto sa mga paaralan at mga field office sa pagsasagawa ng early registration at iba pang kaugnay na gawain.

Kasabay ito ng pagbibigay halaga sa kalusugan at kaligtasan ng mga guro, mag-aaral, at kawani ng kagawaran.

Sa inilabas na memorandum, pinaalalahanan ang mga field office na gamitin ang mga online platform at mga drop box sa pagsasagawa ng remote early registration mula March 26 hanggang April 30, 2021.

“Similar to the previous year, early registration forms will be available in barangay halls and other public spaces. An early registration drop-box will be made available for parents or guardians to collect and submit the forms in these identified places,” pahayag ni Undersecretary for Planning and Human Resource and Organizational Development Jesus Mateo.

Papayagan lamang ang in-person early registration sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine o MGCQ hangga’t nasusunod ang safety protocols.

Awtorisado naman ang Schools Division Superintendent (SDS) na magpatupad ng full remote early registration kahit sa mga lugar sa ilalim ng MGCQ depende sa kasalukuyang risk assessment level ng lugar.

Ani Mateo, tanging mga magulang o guardian lamang ang papayagang makapag-transact sa mga paaralan.

Dapat aniyang magtatag ang mga regional at division office ng hotlines para sa technical assistance sa mga paaralan ukol sa mga polisiya at iba pa.

Samantala, hinimok din ang mga paaralan na magtatag ng hotlines at ibigay ang kanilang opisyal na contact details sa publiko para sa pagsagot ng mga katanungan kaugnay ng early registration.

Paalala pa ng DepEd sa mga paaralan, mahigpit na ipatupad ang cut-off age sa Kindergarten, partikular na sa mga paaralang magsisimula ng school year sa August, dapat limang taong gulang sa August 31 ang mag-aaral sa Kindergarten, at ang extension period ay hanggang Oktubre 31 lamang.

Layon ng naturang aktibidad na masigurong makakapagparehistro ang mga papasok na Kindergarten, Grades 1, 7, at 11 sa pampublikong elementarya at sekondaryang mga paaralan para sa susunod na school year.

Sa pamamagitan din nito, matutulungan ang DepEd na makapaghanda sa posibleng kaharaping isyu.

Ang mga mag-aaral naman sa Grades 2 hanggang 6, 8 hanggang 10, at 12 ay ikinokonsiderang pre-registered at hindi na nangangailangan pang makilahok sa early registration

Read more...