Interesado ang dalawang pharmaceutical companies na gumawa at magbenta ng Ivermectin para sa paggamot ng COVID-19.
Ito ang inihayag ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) at ang dalawang kumpanya ay ang Lloyd Laboratories at Pascual Laboratories.
Handa na ang dalawa na magsumite ng aplikasyon para mairehistro sa Food and Drug Administration (FDA) ang ilalabas nilang Ivermectin, na maaring inumin ng tao, sabi ni ARTA Dir. Gen. Jeremiah Belgica.
Sinabi naman ni FDA Dir. Gen. Eric Domingo ang pinakamabilis na paraan ay ang pag-apply ‘for emergency use.’
Kinakailangan lang aniya na kasama ang Ivermectin sa COVID 19 treatment protocol.
Bilang tugon naman sa hirit ng mga kompaniya ng gamot na magamit ang Ivermectin sa mga COVID 19 patients, sinabi ni Domingo na maari itong gamitin ng mga doktor at ospital sa ilalim ng Compassionate Special Permit, na maaring mailabas 24 hanggang 48 oras kung kumpleto ang mga dokumento.