Libreng sakay para sa APOR at essential workers, inilunsad

Upang matulungan sa pagbiyahe ang essential workers o Authorized Persons Outside of their Residence (APOR) naglunsad ng libreng sakay ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Nabatid na 44 na ruta ng modern jeepneys ang inihanda ng DOTr at LTFRB upang makapagbigay ng libreng sakay ngayong nasa ilalaim ng Enhanced Community Quarantine ang National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.

Sinimulan ito sa araw ng Lunes, March 29, 2021 at tatagal hanggang April 4, 2021 o panahon ng ECQ.

Magiging operational ang mga ruta ng libreng sakay para sa mga APOR simula 4:00 ng madaling-araw hanggang 10:00 ng gabi.

Malalaman na ang modern jeepney ay nagbibigay ng libreng sakay kung makikitang may karatula sa harapang bahagi nito na may nakasaad na “LIBRENG SAKAY PARA SA MGA AUTHORIZED PERSONS OUTSIDE RESIDENCE”.

Ang libreng sakay ay bahagi ng service contracting program ng pamahalaan para sa mga driver ng pampasaherong dyip at bus.

Read more...