Nahihirapan na si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtugon sa pandemya sa COVID-19.
Katunayan, sinabi ng Pangulo na gusto na niyang maiyak sa harap ng taong bayan.
Mistula kasi aniyang back to zero ang Pilipinas nang muling ipatupad ang lockdown sa ilang lugar sa bansa dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Pahirapan din kasi aniya ang pagbili ng bakuna.
“So ‘yan, it stretches the — a mile long ang — ang journey natin sa paano natin isugpo ang bakuna. That is how hard it is para makakuha lang talaga tayo. Iyon ‘yong ganoon kahirap. Gusto ko na ngang umiyak sa harap ninyo pero naubos na ang luha ko,” pahayag ng Pangulo.
Mistula aniyang dumadaan siya sa purrgatoryo dahil sa pagsubok sa COVID-19.
“Hay buhay. Kung alam lang ninyo ang — ang… Para akong dumadaan ng purgatoryo ngayon at this time hanggang hindi matulungan ang lahat ng Filipino,” dagdag ng Pangulo.
Nasa enhanced community quarantine ngayon ang National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal mula Marso 29 hanggang Abril 4.
Nasa modified enhanced community quarantine naman ang Quirino province mula Abril 1 hanggang 15.
Nasa general community quarantine naman ang buong Cordillera Administrative Region; Region II Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya; Region IV-A – Batangas; Region VIII – Tacloban; Region X – Iligan City; Region XI – Davao City; ang BARMM kasali ang Lanao del Sur.
Nasa Modified General Community Quarantine ang natitirang bahagi ng bansa.
Ayon sa Pangulo, kung maari lamang, ayaw niyang mahirapan ang mga Filipino
“Alam mo I would be the last person — ako ang pinakahuling tao dito sa Pilipinas na magpapahirap sa Filipino,” pahayag ng Pangulo.
Kung mayroon lamang aniya siyang magic wand, gagamitin niya ito para agad nang mawala ang problema sa COVID 19.
“If only I had the power — kung nandiyan lang sa akin ‘yong poder na like a magic wand na maalis kaagad itong problema natin, mawala, gagawin ko. I’m having a hard time. I’m grappling with the issue of COVID. It takes most of my time actually. More than any other papers, it’s the COVID that is taking my time or most of my time looking for ways and kung ano na ang nangyayari doon sa labas kung saan tayo makakuha,” dagdag ng Pangulo.
Sa pinakahuling talaan ng Department of Health, nasa 702,856 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa naturang bilang, 580,689 ang gumaling habang 13, 149 naman ang bilang ng mga nasawi.