Nakarating na sa kaalaman ng Food and Drug Administration (FDA) na may umiinom na ng gamot na Ivermectin bilang panlaban sa 2019 coronavirus.
Bunga nito, muling nagbabala si FDA Director General Eric Domingo sa pag-inom ng gamot na ginagamot sa kuto at sakit sa balat ng tao.
Pagdidiin ni Domingo hindi pa napapatunayan na maaring magsilbing proteksyon ang Ivermectin sa COVID-19.
Ikinababahala ng opisyal na magkakaroon ng tapang ang uminom ng Ivermectin sa hinala na may proteksyon na siya laban sa nakakamatay na sakit.
“Kaya huwag po sana tayong uminom nito tapos baka mamaya ang tapang natin, akala natin hindi na tayo magkakasakit. Kailangan po mag-iingat po tayo,” bilin ni Domingo.
Paliwanag pa nito, nakarehistro sa kanila ang Ivermectin bilang gamot sa bulate sa ilang hayop.
“Currently, there is no registered Ivermectin oral formulation for human use and the FDA has not received any application for such use,” sabi pa nito.