Kinalampag ni Gabriela Rep. Arlene Brosas si Pangulong Rodrigo Duterte upang sertipikahang urgent ang “Paid Pandemic Leave Bill” sa gitna ng ipinapatupad na mahigpit na enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay Brosas, sa kabila ng mahigpit na lockdown ngayon ay obligado pa ring mag-report sa trabaho ang ilang mga manggagawa dahil sa “no work, no pay schemes”.
Sa ilalim ng House Bill 7909 na inihain ng Makabayan bloc, obligado ang mga employers sa private sector na bigyan ng paid pandemic leave at iba pang leave benefits ang mga empleyado habang nasa ilalim ng deklarasyon ng global health crisis bunsod ng COVID-19 pandemic.
Nakapaloob sa panukala na bigyan ng dagdag na 14 days na paid leave ang mga COVID-19 exposed workers habang mabibigyan naman ng maximum na 60 araw na paid leave na may 80% daily rate para sa mga manggagawa na nasa “floating status” o imboluntaryong napatigil sa pagtatrabaho dahil sa pandemya.
Sakop ng panukala na mabigyan ng paid pandemic leave ang lahat ng private sector employees anuman ang kanilang employment status.