Paglalagay ng barangay mental health desks, muling iginiit

Mahalagang matutukan rin ang mental health bilang bahagi nang pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Ito ang binigyang diin ni San Jose Del Monte City Rep. Rida Robes sa gitna ng balik-enhanced community quarantine sa Greater Manila Area.

Sabi ni Robes, hindi biro ang depresyon at anxiety na nararanasan ng publiko dahil sa sitwasyon ngayon at patunay rito ang pagtaas rin ng bilang ng mga tumatawag sa National Center for Mental Health na nagtala ng mahigit 3,000 tawag kaugnay ng mental health concerns nitong 1st quarter ng taon.

Iginiit ng kongresista na kailangan ang mental health desks sa mga barangay dahil ito ang pinakamalapit na maaaring takbuhan ng mga tao.

Hindi naman aniya kailangang doktor o professional ang tumao sa health desks dahil ang importante lang sa ngayon ay maging bukas ang komunikasyon at mayroong makikinig sa hinaing ng mga tao para mabigyan sila ng nararapat na payo.

Batay sa datos ng NCMH, nasa average na mahigit 1,000 ang buwanang tawag ngayon sa kanilang hotlines o mula 35 hanggang 53 kada araw.

Read more...