‘Butas’ sa Holy Week ECQ guidelines nasilip ni Sen. Joel Villanueva

Pinansin ni Senator Joel Villanueva ang kawalan ng malinaw na plano para sa mga ospital sa inilabas na guidelines  ng Inter-Agency Task Force (IATF) kaugnay sa paglalagay sa Metro Manila at mga katabing lalawigan sa enhanced community quarantine (ECQ).

Ayon kay Villanueva marami ng ospital ang hindi na tumatanggap ng COVID 19 patients dahil wala na silang maibibigay na kuwarto.

“Hospitals are hanging ‘No admission for COVID patients’ signs. Sa isang pasyenteng naghihingalo, ito na po ang pinakamasakit mong mababasa. Ano kaya po ang magandang solusyon dito?” sabi ng senador.

Aniya tila nakalimutan ng IATF kung paano tutulungan ang mga ospital na makaagapay sa pagdagsa ng mga tinatamaan ng COVID 19.

Diin niya hindi dapat pinababayaan ang mga ospital dahil ang mga ito ang itinuturing na ‘ground zero’ ng pandemya.

Ilang ospital na sa Metro Manila ang nag-anunsiyo nang hindi na pagtanggap ng karagdagang COVID 19 cases at ito ay ang Chinese General Hospital, Makati Medical Center, Ospital ng Makati, Tondo Medical Center, University of Perpetual Help Dalta Medical Center Inc., Metropolitan Medical Center, the Medical City, St. Luke’s Medical Center at Lung Center of the Philippines.

Read more...