Tiniyak ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda na gumagawa sila ng paraan upang mapalago ang ekonomiya na ibinagsak ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Salceda, nagsusumikap ng husto ang kanyang komite upang sa gayon ay makapag-generate ng revenues at magsulat ng mga polisiya na popondo at magpapabuti sa pagtugon sa kalbaryong hatid ng pandemya.
Sabi ng ekonomistang mambabataas, sa gitna ng nararanasang global crisis bunsod ng COVID-19 pandemic, natural lang na mabahala ang lahat.
Sinabi ito ni Salceda matapos na iniulat ng Moody’s Analytics ang kanilang assessment sa ekonomiya ng Pilipinas, na anila’y nasa “worrisome” state na.
Maraming mga bagay anya ang hindi mako-control, pero mayroon namang mga policy at governance solution dito.
Iginiit ng kongresista na maraming factors ang nakakaapekto sa sitwasyon ng ekonomiya sa Pilipinas katulad na lamang ng COVID-19 resurgence, na maging ang mga bansang nakapagsagawa na ng malawakang pagbabakuna ay nakakaranas din.
Bukod dito, nariyan din aniya ang food inflation bunsod nang African swine fever, pati rin ang output gap dahil sa mobility restrictions.
Kung kakailanganin, handa rin aniya silang gamitin ang kanilang oversight powers sa COVID-19 loans at spending.