Aabot sa 302 na volcanic earthquakes ang naitala sa Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras.
Ayon sa Phivolcs, kabilang na ang 184 volcanic tremors na tumagal ng isa hanggang labing dalawa minuto at 118 na low frequency volcanic earthquakes.
Samantala, mahinang pagsingaw, na may taas na 30 na metro, mula sa mga fumaroles o gas vents ang naganap sa Main Crater.
Ayon sa Phivolcs, ang mga nabanggit na batayan ay maaaring nagsasaad ng patuloy na pagligalig ng magma sa di kalalimang bahagi ng bulkan.
Nakataas pa rin ang Alert Level 2 sa Bulkang Taal.
Pinapaalalahanan ng Phivolcs ang publiko na ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI.
Pinapayuhan ng Phivolcs ang publiko na umiwas sa pagpasok sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure, at ang paninirahan at pamamangka sa lawa ng Taal.
Ang mga lokal na pamahalaan ay hinihikayat na patuloy na suriin at pagtibayin ang kahandaan ng mga dati nang nilikas na barangay sa paligid ng Lawa ng Taal kung sakali mang magkaroon ng panibagong pag-aalburoto ang bulkan.