Nalulungkot ang Palasyo ng Malakanyang na mas kaunti ang bilang ng mga Filipino na maligaya sa bansa ngayong taon kumpara noong nakaraang taon.
Base sa ulat ng World Happiness Report, nasa ika-61 na puwesto na lamang ang Pilipinas ngayong taon, kumpara sa ika-52 na puwesto noong 2020.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kaya naging malungkot ang mga Filipino dahil sa epekto ng pandemya sa COVID-19.
Gayunman, umaasa si Roque na mababago pa ang pananaw ng mga Filipino dahil may bakuna na kontra COVID-19 ang Pilipinas.
Kumpiyansa si Roque na kapag natapos nang mabakunahan ang lahat, liligayang muli ang mga Filipino.
“Nalulungkot tayo na naging mas kakaunti ang mga maligaya sa bansa natin ngayon pero ito ay epekto ng pandemiya. Nandiyan naman po ang pag-asa natin sa pagdating ng mga bakuna. So, inaasahan po natin na matapos mabakunahan ang lahat eh, mas liligaya muli ang mga Filipino,” pahayag ni Roque.