10% capacity sa mga religious gatherings, pinayagan na ng IATF sa Semana Santa

Pinayagan na ng Inter Agency Task Force na magkaroon ng religious gatherings isang beses kada araw mula Abril 1-4 o sa Semana Santa.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hanggang 10 porsyento lamang ang capacity sa loob ng mga simbahan.

“Magandang umaga sa inyong lahat. Mabuting balita po para sa gustong magsimba ngayong Semana Santa, pinayagan po ng inyong IATF ang once a day religious gatherings mula a-uno hanggang a-kwatro ng Abril,” pahayag ni Roque.

Paalala ni Roque, kailangan sumunod sa mga minimum health protocols kontra COVID-19 ang mga magsisimba.

“Dahil dito ang mga religious denominations ay kinakailangan sundin at ipatupad ang mga sumusunod na karagdagang mga controls bukod pa sa mga dating nilang ginagawang hakbang bilang pag-iingat sa kumakalat na Covid-19 habang sila ay nagsasagawa ng kanilang mga religious services o activities,” pahayag ni Roque.

Sinabi pa ni Roque na kailangan na magkaroon ng reservation para matiyak na masusunod anng 10 porsyentong capacity.

“Bawal ang pagtitipon-tipon o pagsasagawa ng religious activities sa labas ng simbahan o venue,” pahayag ni Roque.

Para maiwasan ang pagititipon-tipon ng mga tao sa labas ng simbahan, ipinagbabawal ang paggamit ng audio video systems sa labas ng simbahan o venue habang mayroong misa o worship service.

Istriktong nililimitahan ang live singing sa misa at hinihakayat ang recorded singing.

“At panghuli, hinihikayat na ang pag-attend sa mga religious activities sa pamamagitan ng iba’t-ibang online platforms,” pahayag ni Roque.

Inaatasan ang local barangay units at local units ng Philippine National Police (PNP) na ipatupad ang mga nasabing protocols.

 

 

Read more...