Bagama’t hindi kasama sa tinaguriang NCR plus, mahigpit din ang seguridad na ipinapatupad sa border ng lalawigan ng Quezon.
Sa inilabas na executive order ni Quezon Governor Danilo Suarez, naglatag ito ng karagdagang restrictions sa mga papasok sa kanilang lalawigan.
Mayroong 376 na aktibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Sabi ni Suarez, ginawa niya ang kautusan upang hindi na dumami pa ang kaso ng kinatatakutang sakit sa probinsya.
Sabi ng gobernador, walang problema sa pag-uwi sa kanilang lalawigan ang mga taga rito dahil hindi naman sila kasama sa NCR bubble pero magkakaroon naman aniya ng problema ang mga pabalik ng Metro Manila.
Sa ilalim ng kautusan, maari namang magpatupad ng dagdag na restrictions ang mga alkalde ng mga bayan dito.
Ayon kay Suarez, masaya siya sapagkat sumusunod naman aniya ang mga taga rito sa mga panuntunan na kanilang ipinatutupad.
Sa ngayon aniya ay tapos na silang magturok ng bakuna kontra COVID-19 sa medical frontliners at isinusunod na ang mga staff ng mga ospital.
Sa boundary ng San Pablo City at bayan ng Tiaong sa Quezon, mayroong nakalatag na checkpoint ang mga tauhan ng pambansang pulisya.
Ayon kay Police Lt. Joey Padre, hepe ng Police Community Relation ng Tiaong PNP, ipinapatupad nilang mabuti ang kautusan ng IATF at provincial government.
Kung mga taga-lalawigan ng Quezon aniya at nagtatrabaho sa Metro Manila o kasama sa bubble area pero magbabakasyon sa probinsya ay hindi pinapayagan na makadaan sa border.
Ang mga dumadaan naman aniya na patungo ng Bicol Region at tatawid ng lalawigan ng Samar ay hinahanapan nila ng kaukulang mga dokumento.
Marami na rin aniya silang hindi pinayagang dumaan at pinabalik na lamang sapagkat hindi naman ang mga ito Authorized Person Outside of Residence (APOR) base sa guidelines ng IATF o kaya naman ay hindi essential ang kanilang biyahe.
Humingi naman ito ng paumanhin sa mga taong naaabala dahil sa ginagawa nilang paghihigpit.
Ginagawa lamang anila ito para sa kapakanan ng nakararami dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.