Iginiit ni Ang Probinsyano Rep. Ronnie Ong na dapat luwagan ng Department of Health at ng National Task Force Against COVID-19 ang mga kondisyong itinakda para sa pagbili ng mga pribadong kumpanya ng bakuna kontra COVID-19.
Katuwiran nito, ang restrictions ay lalo lamang magpapabagal sa vaccination rollout at magpapatagal sa pagkamit ng herd immunity.
Sa ilalim ng COVID-19 Vaccination Program Act, kailangang pumasok ng pribadong sektor sa tripartite agreement sa DOH/NTF at sa vaccine supplier para makabili ng bakuna para sa kanilang mga empleyado.
“Since it would take time to repeal or introduce amendments to RA 11525, it might be best that the NTF would create a special team that would take care of all private sector procurement,” saad ni Ong.
Pero ilang kumpanya aniya ang nagrereklamo na inaantala sila ng DOH at ng NTF.
Dahil dito’y inirekomenda ng kongresista ang paglikha ng special team na tututok para mapabilis ang procurement at delivery ng mga bakuna para sa pribadong sektor.
Binigyang diin ni Ong na nakasalalay sa private sector ang kinabukasan ng ekonomiya kaya dapat lang na tulungan silang maibalik sa normal ang operasyon sa lalong madaling panahon.
Kaya naman imbes na maging hadlang, dapat aniyang maging katuwang ang gobyerno sa pagkuha ng kinakailangang bakuna ng mga kumpanya.
Dagdag ni Ong, “The future of our economy depends on the private sector which is our country’s main economic engine. We have to help them get back on their feet the soonest possible time. Ang problema parang itong NTF pa ang nagiging hadlang ngayon kung bakit hanggang ngayon ay hindi makabili ng bakuna itong ating private sector.”