Walang nakikitang urgency sa bahagi ng gobyerno si House Senior Deputy Minority Leader at Iloilo Representative Janette Garin pagdating sa COVID-19 vaccination program.
Ayon kay Garin sa 111 Filipino, nasa .2% pa lamang ng populasyon ang naturukan ng bakuna kontra COVID-19, magmula nang magsimula ang rollout ng programa ng pamahalaan noong Marso 1.
Dapat ayon sa dating health chief ay simultaneous ang pagbabakuna at hindi puwedeng hospital workers muna pagkatapos ay saka lang babakunahan ang mga rural health physicians, city health officers, swabbers healthcare workers na tumatao sa mga birthing clinics at sa pribadong sektor.
Kaya nga marami ang nagkakasakit dahil sa mabagal na proseso sa pagbabakuna sa bansa, sa kabila nang pumalo na sa mahigit 1.5 million doses ng COVID-19 vaccines ang dumating sa Pilipinas, na pawang mga donasyon mula China at COVAX Facility.
Sinabi ng kongresista na kailangan bigyan ng equal protection ang lahat ng mga napapabilang sa Category A sa lalong madaling panahon.
Bukod sa vaccination, sinabi ni Garin na dapat tuloy-tuloy din ang testing upang sa gayon ay magkaroon ng scientific solution sa pandemic.
Magugunita na ilang beses na ngayong buwan sumipa sa mahigit 7,000 ang naitalang bagong COVID-19 cases sa kada araw, na siyang naging mitsa para ipatupad ng pamahalaan ang mas mahigpit na restrictions sa loob ng NCR Plus bubble.