Ayon kay Rodriguez, dapat magpasalamat sa China dahil sa donasyong 1 milyong COVID-19 vaccine na gawa ng Sinovac Biotech, subalit dapat din aniyang kondenahin ang presensya ng Chinese vessels sa Juan Felipe Reef.
Nakakapagtaka aniya ang koneksyon sa pagitan nang pagbibigay ng mga bakuna ng China at sa incursion sa West Philippine Sea.
Duda rin ang kongresista sa claim ng Beijing na ang kanilang fishing flotilla ay nagsisilong lamang sa karagatang sakop ng Pilipinas dahil sa masamang lagay ng panahon.
Kung ganito aniya ang sitwasyon, dapat ay umalis na rin kaagad ang mga barko ng China nang bumuti na rin ang lagay ng panahon.
Kasabay nito ay umaapela si Rodriguez sa mga kapwa niya mambabatas, sa Kamara at Senado, na aprubahan na ang kanyang panukalang inihain hinggil sa maritime areas at territory ng Pilipinas para mapalakas pa lalo ang posisyon ng bansa pagdating sa West Philippine Sea.
Sa oras na maging ganap na batas ito, sinabi ni Rodriguez na maka-counter ang kakapasa lamang na batas sa China na nagpapahintulot sa Chinese Coast Guard na magpaputok laban sa mga hinihinala nilang intuders sa South China Sea, na iligal na sumasakop sa West Philippine Sea at malaking bahagi ng exclusive economic zones ng bansa.
Namataan ang mahigit 200 Chinese fishing vessels sa Juan Felipe Reef malapit sa bayan ng Bataraza sa Palawan walong araw matapos na ibinigay ng China ang 600,000 COVID-19 jabs nito at isang linggo bago naman ang rollout ng bakuna sa Pilipinas.