Ayon kay Garin, matatagalan bago makapagbakuna ng mga nasa ibang sektor kung hihintayin pa ang pasya ng mga nagtratrabahong health worker sa mga ospital.
Marami pa kasi sa ngayon ang ayaw magpabakuna kontra COVID-19.
Kaugnay nito, iginiit ng dating Health chief na bakunahan na ang mga gusto namang magpabakuna basta ang mga ito ay nasa priority list A kabilang ang health workers kahit hindi sa ospital nagtatrabaho, senior citizen at may mga comorbidities.
Kailangan din aniyang bigyan na ng COVID-19 vaccine ang mga mayroong “comorbidities” o mga kundisyong pangkalusugan basta papayagan ng kanilang mga doctor.
Dapat ding aniyang gamitin na sa lalong madaling panahon ang mga bakuna na available sa ating bansa.
Paliwanag nito, hindi naman kasi agad nagiging epektibo ang bakuna kapag naiturok sa isang indibidwal.
Nagpahayag din ng pagtutol si Garin sa mga panukala na doon lamang magbakuna sa mga lugar na mayroong outbreak ng sakit sapagkat hindi naman aniya kumikilala ng boarder ang virus.
Naniniwala naman si Garin na maaring hindi nauunawaan ng mga nagpabakuna na wala sa priority list A kung paano gumagana ang mga bakuna.
Paliwanag nito, napili ang mga nasa priority list dahil sa mas marami ang mga itong nakakasalamuha na maari nilang mahawahan kung sakaling carrier ng sakit o mahawa naman sila.
Kapag elected official aniya o kaya naman ay artista, maliit lamang ang posibilidad na mahawa o makahawa ng sakit dahil sa hindi naman ganon karami ang kanilang nakakasalamuha tulad ng medical workers.