DepEd, hinimok ang mga mag-aaral na magparehistro para sa susunod na eleksyon

DepEd Facebooo photo

Hinikayat ng Department of Education (DepEd) ang mga kwalipikadong mag-aaral na magparehistro at bumoto sa susunod na eleksyon.

Ayon kay Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, mahalaga ang papel ng kagawaran upang paalalahanan ang mga mag-aaral na makiisa sa mga usaping pangpulitika, lalo na sa pagpili ng mga lider ng bansa.

“‘Yung curriculum natin at mga karanasang ibinabahagi sa ating mga mag-aaral ay nakatuon sa mga bagay-bagay na magsisiguro na tayong lahat ay magiging makabansa, makakalikasan, makatao, at maka-Diyos,” pahayag ni San Antonio.

Patuloy aniya ang pagsisikap ng DepEd na matalakay ang voter awareness sa Araling Panlipunan at iba pang asignatura.

“Gusto natin na kayong mga kabataan ay talagang nakagagawa ng mga desisyon na mula sa maayos na pag-iisip dahil pinapahalagahan natin ang mga core values. Gusto natin na ang lahat ay tutulong para ang ating bansa ay maging masagana,” dagdag nito.

Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na maaaring magparehistro ang mga bagong botante hanggang Setyembre 30, 2021.

Sa patnubay ng Comelec, pwedeng magparehistro bilang botante kung Pilipino, 18 taong gulang bago sumapit o sa mismong araw ng halalan (May 9, 2022), residente ng Pilipinas ng isang taon pataas, at residente ng lugar na pagbobotohan anim na buwan pataas.

Read more...