Panawagang pagbuwag sa IATF, hindi papatulan ng Palasyo

Photo grab from PCOO Facebook video

Walang balak ang Palasyo ng Malakanyang na patusin ang panawagan ng ilang senador na buwagin na ang Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa gitna ng pandemya ng COVID-19.

Tugon ito ng Palasyo sa panawagan nina Senators Imee Marcos, Vicente Sotto III at Risa Hontiveros na buwagin na ang IATF at palitan ang mga miyembro nito ng public health experts para magkaroon ng totoong science based approach ang bansa sa pandemya.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, base sa ulat ng Department of Health, kaya tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa dahil sa bagong variants na pumasok sa Pilipinas.

“Tanggapin natin o hindi, nag-mutate ang mga virus at hindi naman siguro kasalanan ng IATF na nag-mutate itong mga virus sa pamamaraan na mas nakakahawa sila,” pahayag ni Roque.

Nanindigan pa si Roque na ang mga desisyon na inilalabas ng IATF ay base sa scientific data.

Ayon kay Roque, puro pamumulitika na lamang ang panawagan na buwagin na ang IATF.

Read more...