BuCor matigas, sinabing hindi mali ang pagpapasara ng kalsada sa Bilibid

Hindi lang pagharang, kundi talagang isinara na ng Bureau of Corrections (BuCor) ang kalsada patungo sa NHA Southville 3 sa Barangay Poblacion, Muntinlupa City.

Ito ang sinabi ni Gabriel Chaclag, deputy director for administration ng Bucor, kaugnay sa kontrobersyal na paglalagay ng bakod sa access road na nagresulta sa tila pagkakakulong ng mga residente ng NHA Southville 3.

Katuwiran ni Chaclag, ginawa nila ang hakbang para mapanatili ang seguridad sa Maximum Security Compound ng pambansang piitan.

Diin niya, ang isinara nila ay ang ‘shorcut’ lang na 15 taon nang dinadaanan at aniya, may mas maganda at maluwag na kalsada, ang Biazon Road na maaari namang gamitin ng mga taga-Southville 3.

“Dapat na po natin na ituwid ito at sana makatulong kayo na ma-educate ang mga kababayan natin dahil hindi po maaayos ang bayan natin kung walang disiplina. Konting sakripisyo lamang naman po. Nadagdagan ng 1.5km lang ang kanilang travel distance kesa sa dating shortcut. Ito rin ay pagbibigay ng dignity sa mga residents na hindi sila habang buhay na nakikidaan lamang sa loob ng bucor. Tratuhin natin sila ng may respeto at dignidad bilang pilipino kaya po dapat magandang daan ang pa gamit sa kanila. i-angat po natin katayuan nila. Ngayon po ang tamang panahon,” sabi ni Chaclag.

Ang pamahalaang lungsod ng Muntinlupa ay pinalagan ang ginawa ng BuCor at hinihiling na mabuksan muli ang kontrobersyal na kalsada.

Read more...