Ibinunyag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ibinahagi din sa kanya ni Senator Manny Pacquiao ang plano nito na maging pangulo ng bansa.
Ayon kay Sotto una siyang nilapitan ni Pacquiao bago ang pagtama ng pandemya at nasundan ito kasabay na nang pananalasa ng COVID 19.
Sinabi pa ng senador na napagkuwentuhan lang nila ng pambansang kamao ang interes nito na maging kapalit ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Usapan namin, kwentuhan lang. Sabi ko “ah ganoon? Mag-usap tayo one of these days, tingnan natin kapag medyo malinaw na,” ganoon lang,” sabi pa ni Sotto at hindi naman aniya humingi sa kanya ng payo ang kapwa senador.
Hinala nito nagsabi lang sa kanya si Pacquiao dahil siya ang namumuno sa Senado.
“Siguro, ako ang leader ng Senado eh, magkaibigan naman kami, close friends. Parang bumu-busina siya, ganoon. Sabi niya, “ikaw ba, ano ang plano mo?” Sabi ko, wala pa,” dagdag pa ni Sotto.