Hindi pa rin isinasantabi ng Malakanyang ang posibilidad na magpatupad ng mas istriktong lockdown kung kakailanganin.
Ngunit, paglilinaw ni Presidential spokesman Harry Roque, mas pinili ng gobyerno na higpitan lang ang paggalaw ng mga tao sa Metro Manila at apat na katabing lalawigan para mapigilan ang pagdami pa ng COVID-19 cases.
Giit pa ni Roque sa kabila ng paghihigpit, hindi naman aniya isinara ang mga negosyo sa mga lugar na ibinalik sa general community quarantine, na ngayon ay tinatawag na NCR plus.
“Kung talagang kinakailangan, nothing is etched in stone, kung talagang kinakailangan at ito ay hind imaging sapat eh baka konsiderasyon pa rin iyan,” sabi ni Roque patukoy sa posibilidad ng pagpapatupad muli ng lockdown.
Sa pinaiiral na GCQ bubble na magtatagal hanggang Abril 4, tanging ang ‘essential travels’ lang ang pinapayagan, nilimitahan ang operasyon ng restaurants at ipinagbawal din ang religious gatherings.
Bukod pa dito, ang mga lugar na nasa GCQ ay may uniform curfew na 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng madaling araw.