Reaksyon ito ni de Lima sa resulta ng SWS survey na mas maraming Filipino ang naniniwalang delikado ang banat o kritisismo sa gobyerno.
“Sa matagumpay na pagpapasara ng ABS-CBN, pagbabanta sa Rappler at Inquirer, panggigipit kay Maria Ressa at sa iba pang mamamahayag at kritiko, talagang tumatak na sa mas nakakaraming Pilipino na mapanganib ang mag-ulat ng negatibo o puna sa rehimeng Duterte,” sabi ng senadora.
Nangangamba si de Lima na nagbabadya ang diktadurya dahil namamayani ang takot at pag-aalinlangan sa pag-uulat at paglalathala na magbubunyag ng totoo at kabalastugan sa gobyerno.
Sinabi pa nito na hindi dapat hayaan ang gobyerno na magpatuloy ang pang-aabuso sa kapangyarihan, pagbalewala sa mga karapatan at pang-aapi sa mga nasa laylayan ng lipunan.