Sinimulan na ang pagbibigay ng bakuna kontra COVID-19 ng Manila City government sa mga disaster risk reduction personnal, social workers, jail officers at iba pa sa araw ng Lunes (March 22).
Ayon sa alkalde, bukod sa medical frontliners, mababakunahan na din ang ilang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office personnel, contact tracers, social workers, mga miyembro ng Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTS), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) personnel.
Ang mga nabanggit na trabahador ay kabilang aniya sa “Priority Group A1” na tinukoy ng National COVID-19 Vaccination Operations Center ng gobyerno.
Target aniya ng Pamahalaang Lungsod na makapagbakuna ng 2,152 indibiduwal sa araw ng Lunes.
Sa nasabing bilang, 2,000 ang mabibigyan ng AstraZeneca vaccines sa Ospital ng Maynila Medical Center habang 152 naman ang nakatanggap na ng Sinovac vaccines sa Sta. Ana Hospital.
“Ngayong naririto na po ang mga bakuna, ipagpatuloy po natin ang pagtutulungan hanggang sa tuluyang masugpo ang COVID-19!,” pahayag ng alkalde.
Sa huling datos hanggang March 21, 2021 nasa 5,406 medical frontliners na ang naturukan ng bakuna sa Maynila simula nang umpisahan ang vaccination program noong Pebrero.