Hindi bababa sa 12,000 residente ng ilang bayan sa Maguindanao ang napilitan ng lumikas para hindi madamay sa nagpapatuloy na bakbakan sa pagitan ng puwersa ng gobyerno at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Sentro ng bakbakan ang bayan ng Datu Saudi Ampatuan matapos ang pag-atake ng mga terorista sa Barangay Kitango noong Huwebes.
Nabatid na may mga lumikas na rin na residente ng mga bayan ng Shariff Aguak, Shariff Saydona Mustapha, Datu Salibo, Mamasapano at Datu Unsay sa pangamba na umabot sa kanilang lugar ang kaguluhan at maipit sila.
Sinimulan na ang pamamahagi ng relief goods, hygiene kits at sleeping mats sa mga lumikas nina Mayor Edris Sindatok at MSSD BARMM Minister Atty. Raissa Jadjurie.
Bumili na rin ng mga gamot ang pamahalaang-bayan ng Datu Saudi Ampatuan.
Nakumpirma na tatlong BIFF na ang nasawi sa engkuwentro.
Nag-ugat ang kaguluhan sa pagtutol ng BIFF na magtayo ng Joint Peace and Security Team outpost sa Barangay Kitango.