Kalsada sa Bilibid binakuran, Bureau of Corrections pinuna

Agad nakipag-ugnayan si Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi kay Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag nang ipasara ng huli ang isang kalsada sa loob ng National Bilibid Prison compound na dinadaanan ng mga nakatira sa katabing low-cost housing community.

Sa kanyang sulat, hiningi na agad ni Fresnedi kay Bantag ang pag-intindiĀ  at awa sa ngalan ng mga nakatira sa Southville 3.

Aniya kinakailangan na umikot pa sa San Pedro City sa Laguna o sa Las Pinas City ang mga residente ng lugar dahil sa ginawang pagpapabakod ng BuCor sa access road.

Sinabi din ni Fresnedi na inirerespeto at kinikilala nila ang kapangyarihan ng BuCor na gawin ang anuman nilang naisin sa loob ng Bilibid compound ngunit aniya ang pagpapasara sa kalsada ay maituturing na paglabag sa Local Government Code.

Binanggit din nito na dahil maganda naman ang relasyon ng lokal na pamahalaan at ng kawanihan, dapat ay ipinarating muna ng BuCor sa LGU ang kanilang balak na pagpapasara sa kalsada.

Nabatid na sumulat naman si Bucor Deputy Director for Operations and Administration Gabriel Chaclag kay Barangay Poblacion Chairman Allen Ampaya at ipinaalam ang gagawing pagpapasara sa kalsada.

Binisita na ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon ang lugar at inabutan pa ang pagpapatayo ng bakod.

Ipinarating din kay Justicce Usec. Deo Marco ang ginawa ng BuCor.

Read more...