Sa idinaos na pagdinig ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, sinabi ni Go na suportado niya ang pasya ng health experts sa isyu.
Kailangan aniyang mayroong mahigpit na regulasyon sa lahat ng uri ng e-cigarettes para matiyak ang proteksyon sa kalusugan ng publiko.
“Maganda na mayroong mas mahigpit na regulasyon ang ating awtoridad na may kaugnayan sa lahat ng uri ng e-cigarettes. Suportado ko po ito — ang mga polisiya na naglalayong mas maprotektahan ang kalusugan ng ating mamamayan sa pamamagitan ng mas mahigpit na regulasyon,” ayon sa senador.
Sinuporthan din ni Go ang panukalang ipagbawal ang mga produktong maaaring nagtataglay ng toxic substances o highly addictive substances.
Nakababahala kasi, ayon sa senador, na madali itong naa-access ng mga menor de edad.
“We should not allow the unregulated use of these products and how it is easily accessed by minors. I also echo the advice of health officials and experts for the public to refrain from using vapes and e-cigarettes as the knowledge on the products is still limited,” dagdag pa ni Go.
Tiniyak ng senador na susuportahan niya ang mga panukala at hakbang na layong maprotektahan ang kalusugan ng mga mamamayan.
Sinabi ni Go na siya ring chairman ng Senate Health Committee, para sa kaniya, kailangang mas prayoridad ang kalusugan ng mga mamamayan kumpara sa kapakanan ng mga negosyante.
Sa naturang pagdinig ay tinalakay ang Senate Bills No. 496, o ang Vaporized Nicotine Products Regulation Act na inihain ni Senate President Vicente Sotto III; SBN 541 o ang E-Cigarette Regulation Act of 2019 ni Senator Miguel Zubiri; SBN 1951 o Vaporized Nicotine Products Regulation Act filed ni Senator Ralph Recto; at ang SBN 2099 o Vapes and HTPS Regulation Act ni Senator Pia Cayetano.
Layon ng mga panukala na i-regulate ang paggawa, importation, pagbebenta, distribution, paggamit, advertisement, promotion, at sponsorship ng electronic nicotine delivery systems (ENDS) at electronic non-nicotine delivery systems (ENNDS), heated tobacco products (HTPs), at iba pang kahalintulad na tobacco products.
Sinabi ni Go noong nakaraang taon, nagpalabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Order No. 106 na nagbabawal sa paggawa, pagpapakalat, pagbebenta ng mga hindi rehistradong electronic cigarettes, heated tobacco products o HTP, at iba pang novel tobacco products.
Sa ilalim ng EO 106, ang access sa electronic cigarettes at HTP ay papayagan lamang sa mga edad 21 pataas.
“Kahit noong wala pang e-cigarette, inuuna na po talaga ni then Davao City mayor Duterte ang kalusugan ng kanyang constituents kaya, noon pa, mayroon nang mahigpit na Anti-Smoking Ordinance sa Davao City,” sinabi ni Go.
Batay sa datos noong 2018 National Enhanced Nutrition Survey, ang paggamit ng e-cigarette ay laganap sa mga kabataan at nakababahala ito ayon kay Go.
Aniya, sa nasabing pag-aaral ay 19 na porsyento ng mga gumagamit ng e-cigarettes ay mga kabataan na edad 10 hanggang 19.
Kasabay nito, hinimok ni Go ang mga kapwa mambabatas na masusing pag-aralan ang mga panukala para sa ikabubuti ng mga mamamayan.
“Nararapat lang po na pag-aralan po natin ito nang mabuti. Kaya po, the Committee on Health and its members will be involved and actively participate in the discussions on the matter,” sinabi pa ni Go.
Sa kaniyang pahayag, pinasalamatan din ni Go si Senate President Pro Tempore Recto sa pag-imbitia ng mga health advocate at tobacco control groups sa pagdinig.