Visiting hours sa Rizal Park, Paco Park binago; Bukas pa rin para sa physical exercise

Binago ng National Parks Development Committee (NPDC) ang visiting hours sa Rizal Park at Paco Park.

Ito ay bilang suporta sa mga hakbang ng lokal na pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa Metro Manila.

Simula sa Biyernes, March 19, 2021, magiging bukas ang dalawang parke mula 6:00 ng umaga hanggang 10:00 umaga.

Sinabi ng NPDC na bukas lamang ang dalawang parke sa mga may edad 18-anyos hanggang 65-anyos na sasali sa physical exercise

“Until further notice” epektibo ang naturang operating hours.

Alinsunod sa mga panuntunan na inilabas ng IATF at Department of Tourism, lahat ng bisita ay nakasuot dapat ng face masks at face shields upang payagang makapasok sa parke.

Tatanggalin lamang ang personal protective equipment sa kasagsagan ng intense physical exercise at kung mapapanatili ang anim na talampakang distansya sa ibang tao.

Hinikayat din ang pag-download at register sa StaySafe.PH mobile application para sa contactless contact tracing bago ang pagpasok sa Rizal Park at Paco Park.

Paalala ng NPDC, huwag nang pumunta sa parke kung masama ang pakiramdam, may sintomas ng COVID-19 o nagkaroon ng exposure sa isang pasyente na COVID-19 positive.

Mayroon namang nakatalagang marshals upang umasiste sakaling sumama ang pakiramdam habang nasa loob ng parke.

Umaasa naman ang NPDC ng kooperasyon mula sa publiko upang mapanatiling ligtas ang mga parke para sa mga nag-eehersisyo.

Read more...