DOTr, PPA nakatakdang pasinayaan ang tatlong seaport projects sa Palawan

Nakatakdang pasinayaan ng Department of Transportation (DOTr) at Philippine Ports Authority (PPA) ang tatlong seaport projects sa El Nido, Bataraza, at Coron, sa Palawan sa Biyernes, March 19, 2021.

Ang inagurasyon ay hudyat ng pagsisimula ng operasyon ng bagong tayong Port of San Fernando sa El Nido, Port of Bataraza sa Barangay Buliluyan sa Bataraza, at Borac Port sa Barangay Borac sa Coron.

Pangungunahan ang seremonya nina Transportation Secretary Arthur Tugade at PPA General Manager Jay Daniel Santiago, kasama ang ilang opisyal ng gobyerno.

Kabilang sa mga ginawang proyekto sa Port of San Fernando ay ang development ng causeway, back-up area, at concrete (RC) wharf na may RORO (roll-on, roll-off) ramps.

Gumawa rin ng wharf, back-up area, at port lighting system sa Port of Bataraza.

Sa Borac Port naman, inayos ang back-up area, concrete pavement, supply at installation ng lamp posts, rubber dock fenders at mooring bollards.

Ang nasabing tatlong pantalan ay parte ng regional transport infrastructure development sa ilalim ng Build, Build, Build program ng Duterte administration.

Sa pamamagitan ng tatlong pantalan sa Palawan, inaasahang bubuti ang mobility at koneksyon ng mga tao at pangunahing pangangailan sa probinsya.

Mas magiging maayos din ang trading at tourism centers.

Makatutulong din ito para sa pagbibigay ng mas ligtas na biyahe ng publiko.

Maliban dito, makatutulong din ang bagong pantalan para umakyat ang ekonomiya sa probinsya ng Palawan.

Kabilang ang Ports of San Fernando, Bataraza, at Borac sa 424 nakumpletong seaport projects ng DOTr at PPA simula nang maupo sa pwestos si President Rodrigo Duterte taong 2016.

Read more...