Pagkabit ng tarpaulin na nag-red tag sa isang hukom, iniimbestigahan na – Palasyo

Tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang na iniimbestigahan na kung sino ang nagkabit ng tarpaulin sa panulukan ng Shaw Boulevard at Edsa na nagre-red tag kay Mandaluyong Regional Trial Court Judge Monique Quisumbing-Ignacio.

Ikinabit ang tarpaulin dalawang araw matapos ibasura ang kasong isinampa sa mga red-tagged journalist na sina Lady Ann Salem at Trade unionist Rodrigo Esparago.

Nakalagaya sa tarpaulin na “Maraming salamat Judge Monique Quisumbing-Ignacio, RTC Branch 209, Mandaluyong City sa mabilis na paglaya ng mga kasamahan nating lady Ann salem at Rodrigo Esparago. Tuloy ang laban! Mabuhay!”

Ayon kay Roque, tiyak na mahuhuli ang mga nagsabit ng tarpaulin lalo’t mayroong CCTV sa lugar.

Kasabay nito, umaapela si Roque sa publiko na huwag agad na gumawa ng konklusyon na na-red tag na si Ignacio nang base lamang sa tarpaulin.

Kahit sino naman kasi aniya ay maaaring gumawa ng tarpaulin.

“Well, unang-una po, nagku-conclude tayo na na-red tag si Judge Ignacio pero iyong ‘di umanong red tagging niya ay nakabase lamang sa isang tarpaulin. Eh kahit sino po pupuwedeng gumawa niyang tarpaulin na iyan. So let us not conclude po na na-red tag na si Judge Ignacio and our authorities are investigating already this incident,” pahayag ni roque.

“Pero sa ngayon po, I refuse to conclude na red tagged na po si Judge Ignacio. Iimbestigahan po natin iyan dahil pupuwedeng mga kalaban din ng gobyerno ang gumawa niyan para ibintang sa gobyerno. Hindi ko po sinasabi na iyan ang katotohanan pero ‘antayin po natin ang imbestigasyon, tingnan natin iyong mga CCTV footages,” dagdag ng kalihim.

Sakali man aniyang totoo na na-red tag si Ignacio, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang magbibigay proteksyon sa hukom kung kinakailangan.

“Gayun pa man, kung totoong na-red tag po si Judge Ignacio, ang Presidente po mismo magbibigay ng proteksiyon kay Judge Ignacio kung kinakailangan. Iyan po ang assurance ng Presidente pero sa ngayon po, let us not make hasty conclusions dahil kahit sino pa po eh pupuwedeng nagsabit ng tarpaulin na ‘yan,” pahayag ni Roque.

Read more...