Walang balak ang Palasyo ng Malakanyang na itigil ang presidential engagement ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay kahit na sunod-sunod ang pagsasara at pagsususpinde ng trabaho ng Senado, Kamara at iba pang tanggapan ng gobyerno dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19.
Katunayan, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, may lakad si Pangulong Duterte sa araw ng Huwebes, March 18.
Bandang 3:00 ng hapon, dadalo ang Pangulo sa 500th Anniversary ng Philippine Part in the First Circumnavigation of the World sa Guiuan, Eastern Samar.
Susundan ito dakong 5:00 ng hapon sa Summit Hotel sa Tacloban City para sa Joint National Task Force-regional Task Force Ending Local Communist Armed Conflict.
Ayon kay Roque, may nakatakda ring lakad si Pangulong Dutetre sa Biyernes, March 19.
Paliwanag pa ni Roque, pawang mga mababa ang kaso ng COVID-19 at nasa modified general community quarantine ang mga lugar na pinupuntahan ni Pangulong Duterte.