Sumalakay sa tanggapan ng Department of Agriculture sa Ellipitical Road sa Quezon City ang mga militante na nagpoprotesta sa naganap na marahas na dispersal sa mga magsasaka sa Kidapawan City.
Aabot sa 60 miyembro ng Anakbayan at League of Filipino Students (LFS) ang bumulaga sa mga guwardiya sa compound ng DA nang magawa nilang makapasok sa gate ng ahensya.
Alas 2:30 ng hapon kanina nang isagawa ng mga militante ang protesta sabay pasok sa bakuran ng DA.
Ngunit nabigo naman silang makapasok sa mismong gusali dahil agad naisara ng mga guwardiya ang pinto.
Gayunman, nagawa ng mga militante na pinturahan ng mga salitang “Bigas hindi Bala” ang salaming pinto ng gusali at ito ay bilang pagkondena sa madugong dispersal ng mga magsasaka.
Makalipas ang isang oras boluntaryo naman nilisan ng mga militante ang bakuran at wala rin naman nasaktan sa insidente./ Jan Escosio