Ayon kay Binay, siya ay isang pro-life at ang kaniyang programa ay nakatuon sa pagpapaganda ng buhay ng mahihirap, habang si Duterte naman ay pumapatay ng mahihirap na tao. ““Mister berdugo, ako ay pro-life at ang aking ginagawa ay para gumanda ang buhay ng mahihirap. Ikaw naman, pumapatay ka ng mahirap,” ayon kay Binay.
Tahasan ding sinabi ni Binay na mahihirap ang kayang patayin ni Duterte dahil alam niyang hindi makakalaban ang mga ito.
Ang nasabing pahayag ni Binay ay reaksyon niya sa pagsasabi ni Duterte na ang mga isyu ng extra-judicial killings laban sa kaniya ay pawang “recycled garbage” na lamang.
Paalala ni Binay kay Duterte may mga nagdaan na itong pag-amin ng kaniyang pagkakasangkot sa Davao Death Squad (DDS) at pagpatay sa 1,700 na katao.
Binanggit din ng bise presidente, na si Duterte ay sangkot din sa pagpatay sa mga bata kasama na dito ang pagpatay sa magkakapatid na Richard Alia (18 taong gulang), Christopher Alia (17 taong gulang), at Bobby Alia (14 taong gulang), na pawang pinaslang ng Davao Death Squad (DDS).