Sa statement na inilabas ng embahada ng Amerika sa Pilipinas, sinabi nitong nakikiramay sila sa pamilya at mga kaibigan ng sundalo na nasawi kahapon habang nagpapatuloy ang Philippine-US joint military exercises.
Sinabi ng embahada na aalalahanin ang nasabing sundalo sa kaniyang tapang at paninidigan na magserbisyo sa bansa.
Tiniyak naman ng Amerika na nakikipag-ugnayan sila sa counterparts dito sa Pilipinas sa imbestigasyon sa insidente.
Samantala, nadala na sa AFP chapel Clark, Pampanga ang mga labi ng sundalo na kinilalang si Airman 2nd Class Jober Domansin, 27 anyos mula sa Philippine Air Force.
Si Domansin ay nasawi kahapon matapos matangay ng malakas na hanginang kaniyang parachute at mapadpad siya sa tubig sa kasagsagan ng aerial exercise.
Nakuha ng mga tauhan ng United States Air Force ang katawan ni Domansin ganap na alas 5:00 ng hapon kahapon.
Tinangka pang i-revive si Domansin sa Unihealth-Baypoint Hospital and Medical Center sa Olongapo City pero hindi na ito nailigtas.
Ayon kay Capt. Celeste Frank Sayson, public affairs officer ng 2016 Balikatan exercises, si Domansin ang ikasiyam sa dalawampung Filipino airmen na tumalon mula sa C130 plane bilang bahagi ng pagsasanay.
Miyembro si Domansin ng 710th Special Operations Wing ng Philippine Air Force.