Nais ni Senator Panfilo Lacson na mabigyan ng kasagutan ang pagkakalipat sa puwesto ng isang opisyal ng Department of Agriculture sa kabila ng mga umano’y pagsuway sa ilang memorandum ukol sa pag-aangkat ng karne ng baboy sa ibang bansa.
Ibinahagi ni Lacson na pinamunuan ni Ronnie Domingo ang Bureau of Animal Industry at aniya, nagpalabas ang opisyal ng mga Sanitary Phyto-Sanitary Import Clearance noong 2018 hanggang 2020.
Ito, ayon kay Lacson, ay ginawa ni Domingo sa kabila ng pagbabawal nina dating Agriculture Secretary Emmanuel Piñol at ngayo’y Agriculture Secretary William Dar ang pag-aangkat ng karne ng baboy sa mga bansa na may mga kaso ng African swine fever (ASF).
Noong nakaraang Enero 21, inilipat si Domingo sa Philippine Carabao Center bilang officer-in-charge.
Sinabi ni Lacson sa isasagawang pagdinig ng Committee of the Whole sa isyu ng pork importation, hihingiin niya ang sagot ni Dar kung bakit inilipat lang at hindi kinasuhan si Domingo.
Puna ng senador, tila nagiging bisyo na lang ng administrasyon ang hindi pagsasampa ng mga kaso sa mga opisyal na nasasangkot sa korapsyon.
“This does not speak well of the oft-repeated threat of PRRD and his supposed strong stand against corruption in government. Lip service cannot solve our country’s problems. Decisive action does,” sabi ni Lacson.