Nakilala ang biktima na si DAR Nueva Vizcaya Provincial Agrarian Reform Program Officer Dindi Tan.
Dahil dito, pinaalalahanan ni DAR Secretary John Castriciones ang mga opisyal at mga empleyado ng ahensya na maging alerto sa lahat ng oras.
Nananatiling palaisipan sa pulisya kung sino o anong grupo ang responsable sa pagbaril sa nasabing sasakyan kung saan isang bala ng kalibre 38 ang nakita sa butas sa gilid ng sasakyan.
Wala pang grupo ang umaangkin sa nasabing insidente.
“Hindi dapat maging hadlang ang insidenteng iyon upang gawin natin ang ating mga trabaho na palayain ang mga magsasaka sa tanikala ng pagkaalipin sa lupa at itaas ang antas ng kanilang kabuhayan,” pahayag ng kalihim.
Sa pahayag ni Tan, sinabi niyang nabigla siya sa pangyayari habang kanyang pilit na inaalala kung mayroon man siyang nagawang bagay na maaaring nakasakit ng damdamin ninuman at nag-udyok para isagawa ang nasabing insidente.
Hinala ng provincial agrarian reform program officer na maaaring kagagawan ito ng ilang grupo na hindi sang-ayon sa programa ng pamahalaan na isali ang mga dating rebelde na nagbabalik-loob sa pamahalaan bilang mga benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program.
Sa susunod na buwan, nakatakdang mamahagi ng Certificates of Land Ownership Award ang DAR sa ilang mga dating rebelde sa lalawigan sa mithiing bigyan muli sila ng pagkakataon na makapamuhay ng normal at hikayatin ang iba pa nilang mga kasamahan na sumunod sa kanilang mga yapak at manumbalik sa nakagawian nilang pumumuhay sa lipunan.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nakalap na ang namaril ay gumamit ng silencer sa kanyang baril nang paputukan nang malapitan ang sasakyan nitong madaling araw ng Martes.
Nakaparada ang sasakyan sa harap ng opisina ng DAR sa lalawigan ng maganap ang pamamaril.
May CCTV ang opisina ng DAR-Nueva Vizcaya, ngunit mukhang alam ito ng namaril kung kaya’t pumuwesto siya sa lugar na hindi siya mahahagip ng camera.
Ayon sa pagsusuri sa mga footages ng CCTV, hindi nakita ang namaril.