Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na magbabawal sa mga “eyesore” o mga “photobomb” sa mga national landmark ng bansa.
Sa botong 210-yes, 0-no at 0-abstention, pinagtibay ang House Bill 8829 na mag-a-amyenda sa Republic Act 10066 o National Cultural Heritage Act of 2009.
Layunin ng panukala na maprotektahan ang “physical integrity” ang anumang cultural property mula sa “adverse visual impact” at papanagutin ang responsable sa anumang obstruction dito.
Kapag naging ganap na batas, saklaw nito ang mga national shrine, mga monumento, landmarks at iba pang cultural properties sa buong bansa, na deklarado ng Nationa Historical Commission of the Philippines.
Inoobliga rin sa panukalang batas ang mga lokal na pamahalaan na magpasa ng ordinansa para sa proteksyon ng cultural properties.
Matatandaan na umani ng iba’t ibang reaksyon ang pagtatayo ng isang condominium sa Maynila na tinaguriang “photobomber” ng monumento ni Dr. Jose Rizal o Rizal Park.