Sinibak na sa trabaho ng maintenance provider ng MRT-3 na Sumitomo-MHI-TESP ang empleyado nito na nakuhanan ng video na minadali ang paglilinis sa loob ng tren.
Ayon sa statement ng DOTr-MRT, sinabi nito na nagpadala ng mensahe ang maintenance provider sa kanila upang iparating ang aksyon sa kabilang tauhan sa viral video.
Humingi rin ng paumanhin ang pamunuan nito sa insidente at sinabing pinag-aaralan na ang pagsasampa ng kasong administratibo sa empleyado na sangkot.
“We apologize for the incident regarding members of disinfection team not properly doing their job. We will relieve the staff involved within the day while we are proceeding with the admin case. Meanwhile, we have notified all team members to always observe proper disinfection as they were trained to do. We are also deploying two additional staff to ensure that they are properly supervised,” mensahe ni TESP Administration Manager Toto Domingo sa DOTr-MRT.
Kaugnay nito, magdadagdag ng karagdagang tauhan ang Sumitomo upang i-supervise ang kanilang mga disinfection teams.
Isasailalim din ng maintenance provider sa re-training ang kanilang mga empleyado.
Samantala, ikinalugod naman ni MRT-3 Director for Operations Michael Capati ang mabilis na aksyon ng kanilang maintenance provider.
Sinabi pa nito na magdadagdag ang MRT-3 ng mga CCTV camera upang matiyak na makikita ang ginagawang paglilinis sa mga tren.
Saad ni Capati, “We assure our passengers that the MRT-3 takes the sanitation and disinfection of its trains seriously and that their health and safety are our top priorities. We are taking all the necessary steps to ensure this incident will never happen again.”
Magpapakalat din ang MRT-3 ng kanilang mga tauhan upang masiguro na ginagawang mabuti ng kanilang maintenance provider ang tamang sanitation at disinfection protocols.