Sangkot sa aksidente ang isang Ford Ecosport at isang Tanker at naganap ito bago pa mag alas 5:00 ng umaga.
Halos okupahin ng dalawang sasakyan ang dalawang linya sa C5-Ortigas Flyover dahilan para halos hindi na madaanan ng mga motorista ang kalsada.
Tanging ang mga maliliit na sasakyan lamang ang nakadaan, at ang mga truck at malalaking delivery van ay naipit na sa flyover at hinintay na maialis sa lugar ang mga sangkot na sasakyan bago tuluyang makadaan.
Ang ilan sa mga naabalang motorista ay naipit ng mahigit 30-minuto sa flyover.
Ayon naman sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) metrobase, alas 5:34 ng umaga nang maialis sa lugar ang mga sangkot na sasakyan.
Ang nasabing aksidente ay agad nasundan ng panibagong aksidente sa northbound lane ng C5 sa bahagi ng Julia Vargas sa Pasig City.
Ayon sa MMDA, isang 10-wheeler truck ang sumampa sa center island at may nahulog na kahon-kahong mga bote ng alak sa kalsada.