Nakataas pa rin ang Alert level 2 sa Bulkang Taal.
Ayon sa Phivolcs, sa nakalipas na 24 oras nakapagtala ng 74 volcanic earthquakes, kabilang ang 46 na volcanic tremors na tumagal ng isa hanggang apat na minute sa bulkan.
Mayroon ding mahinang pagsingaw na may taas na sampung metro, mula sa mga fumaroles o gas vents ang naganap sa Main Crater.
Nakapagtala naman ng Phivolcs ng 596 na toneladang pagbuga ng sulfur dioxide kada araw.
Nasa 71.8 degrees Celsius na init sa main crater ng Bulkang Taal.
Nagpapatuloy pa rin naman ang pamamaga ng bulkan na nagsimula sa pagsabog nito noong Enero ng nakalipas na taon.
Dahil dito, sinabi ng ahensya na nagpapakita lamang ang kanilang mga obserbasyon na patuloy ang paggalaw ng magma sa ilalim ng bulkan.
Pinaaalalahanan ng Phivolcs ang publiko na sa ilalim ng Alert Level 2, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa volcano island na idineklara ng Permanent Danger Zone.