LPA, magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa

Photo credit: DOST PAGASA website

Patuloy pa rin ang pagtutok ng PAGASA sa umiiral na low pressure area (LPA) sa bahagi ng Mindanao.

Ayon kay PAGASA weather specialist Joey Figuracion, huling namataan ang LPA sa layong 100 kilometers Kanluran Timog-Kanluran ng Zamboanga City bandang 3:00 ng hapon.

Mababa pa rin ang tsansa na lumakas at maging bagyo ang LPA.

Ngunit, sinabi ni Figuracion na magdadala pa rin ang LPA ng kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa malaking parte ng bansa.

Partikular na maaapektuhan nito ang Visayas, CARAGA, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, Bicol region, MIMAROPA at CALABARZON.

Samantala, umiiral pa rin ang Northeast Monsoon o Amihan sa extreme Northern Luzon.

Maaliwalas na panahon naman aniya ang hatid nito ngunit posible pa ring makaranas ng mahihinang pag-ulan sa Batanes at Babuyan Group of Islands.

Sa Metro Manila at nalalabing parte ng bansa, magiging maaliwalas din ang lagay ng panahon maliban na lamang sa pulo-pulong pag-ulan bunsod ng localized thunderstorm.

Read more...