Hindi na dapat na magulat pa ang publiko sa dagdag-presensiya ng mga pulis at sundalo sa mga lugar sa bansa na may mataas na kaso ng COVID-19.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, ito ay matapos magbaba ng direktiba ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police (PNP) para tulungan ang mga local government unit sa paghihigpit ng pagpapatupad ng minimum health protocols.
Ayon kay Roque, magiging national policy ito.
Ibig sabihin, hindi lamang aniya ito pang Metro Manila, kundi kahit saang panig ng bansa na may mataas na kaso ng COVID-19.
Ayon pa kay Roque, hindi lamang pulis ang ipakakalat kundi maging mga sundalo.
Una nang sinabi ni National Task Force Against COVID-19 chairman Secretary Delfin Lorenzana na maaaring mag-request ang mga LGU ng dagdag na presensiya ng mga pulis at sundalo sa kanilang mga lugar kung kinakailangan para matiyak na susunod ang mga residente sa mga itinatakdang panuntunan kontra COVID-19.