Nagkasundo ang Quezon City government at mga obispo ng Dioceses of Cubao at Novaliches na limitahan ang mga aktibidad para sa Semana Santa.
Ito ay upang maiwasan ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Sa pulong ni Mayor Joy Belmonte kasama sina Bishops Roberto Gaa at Honesto Ongtioco, napagkasunduang magpatupad ng ilang restriction sa paggunita ng Holy Week simula sa March 28 hanggang April 4.
Kapwa sang-ayon si Belmonte at mga obispo na ipagbawal muna ang penitensya.
Bawal din ang physical gatherings para sa mga ‘pabasa’ at sa halip, gagawin na lamang ito online.
Hinikayat din ang mga Katoliko na isagawa ang tradisyunal na Visita Iglesia o Stations of the Cross online.
Maliban dito, suspendido ang public gatherings para sa palaspas o Palm Sunday sa March 28 at Easter Sunday o Pasko ng Muling Pagkabuhay.
“Alam kong matagal na nating itong tradisyon subalit wala tayong magagawa kundi pansamantala itong isantabi habang naririto pa ang virus at mabilis ang pagtaas ng mga kaso natin,” pahayag ni Belmonte.
Kasunod naman ng kahilingan ng mga obispo, papayagan ang prusisyon ng mga santo ngunit limitado lamang ito sa convoy ng tatlong sasakyan.
Magsasagawa naman ng livestreaming ng prusisyon para matunghayan.