221,490 bata sa Quezon City nabakunahan vs tigdas, rubella

Nabigyan ng Quezon City government ng bakuna laban sa tigdas at rubella ang kabuuang 221,490 bata sa lungsod sa buwan ng Pebrero.

Katumbas ito ng 95.35 porsyento ng target sa Chikiting Ligtas vaccination activity ng Department of Health (DOH) laban sa nasabing sakit.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, plano ng QC LGU na mabakunahan ang humigit-kumulang 10,000 pang bata na hindi pa nabibigyan nito.

“We are currently mapping and tracking them in our communities para mapuntahan at mahikayat ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak,” pahayag ng alkalde.

Dagdag pa nito, “Our city health workers are doing their best para mabakunahan lahat ng bata despite the challenges in bringing it down to the communities because of the pandemic.”

Ayon naman kay Dr. Esperanza Anita Escaño-Arias, pinuno ng City Health Department, itutuloy ang pagbibigay ng libreng bakuna laban sa tigdas at rubella sa mga bata sa lungsod.

“Kahit natapos na po ‘yung month-long campaign ng DOH for measles and rubella vaccination, the city will continue to give it to our kids for free,” paliwanag nito at aniya pa, “Kailangan pong mas pursigido tayo na mabakunahan ang lahat para hindi na magkaroon pa ng outbreak ng ibang sakit.”

Tiniyak naman ni Arias sa mga magulang na may suot na personal protective equipment ang city health workers upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Nasusunod din aniya ang minimum health protocols sa vaccination sites.

Read more...