Mga nangangasiwa sa StaySafe app, kinalampag ng Palasyo

Kinakalampag ng Palasyo ng Malakanyang ang nangangasiwa sa StaySafe app dahil hanggang ngayon, hindi pa ginagamit para sa tracing program ng pamahalaan kontra COVID-19.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mahalaga kasi ang contact tracing para agad na ma-isolate ang mga taong nakasalumuha sa mga nag-positibo sa COVID-19.

Sa kabuuan, sinabi ni Roque na maayos na sana ang pagtugon ng pamahalaan sa pandemya subalit palpak naman sa StaySafe app.

“Well, sa akin po, importante iyong tracing ‘no. Talagang iyong tracing naguguluhan na po ako, nahehelo [nahihilo] na ako ‘no lalung-lalo na dito sa StaySafe app. Hindi ko maintindihan kung bakit hindi pa natin ginagamit ito at matagal na pong na-launch namin ‘yan ‘no, naalala ko po nandoon po ako sa launch ‘no. So napakaimportante po noong tracing kasi iyong tracing will enable us to isolate ‘no the close contacts para maiwasan nga iyong pagkalat,” pahayag ni Roque.

Iginiit pa ni Roque na ang StaySafe app ang nangangailangan ng malaking improvement.

“So I would say that an area for tremendous improvement will be the tracing, the use of a tracing app at saka iyong pagtaas ng mga numero ng nati-trace dapat masunod po iyong sinasabi ni Mayor Magalong na dapat mga at least 32 for every positive case po,” pahayag ni Roque.

April 2020 nang ilunsad ang StaySafe app.

Nagpalabas pa ng Resolution Number 85 ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases para ipag-utos ang paggamit ng StaySafe app sa national at local level.

Nabatid na dalawang milyong Filipino ang nakarehistro.

Read more...