Palasyo, hindi pinag-aaksayahan ng panahon si Robredo

Photo grab from VP Leni Robredo’s Facebook video

Hindi pinag-aksayahan ng panahon ng Palasyo ng Malakanyang si Vice President Leni Robredo.

Tugon ito ng Palasyo sa pahayag ni Robredo na inuubos ng Palasyo ang oras para atakhin siya kaysa tugunan ang problema sa pandemya sa COVID-19.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, tuloy ang pagtatrabaho ng administrasyon samantalang pamumulitika lamang ang inaatupag ni Robredo.

Panay aniya ang pangangampanya ni Robredo para maging pangulo ng bansa sa pamamagitan ng walang tigil na birada sa administrasyon.

Katwiran pa ni Roque, kung nakapagbibigay man ng pahayag ang Palasyo ukol kay Robredo, ito ay dahil sa kinakailangan na sagutin ang isang isyu.

Ayon kay Roque, wala sa isip ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pulitika sa halip ay nakatutuok lamang sa trabaho para mapagsilbihan ang taong bayan.

“Well, hindi po, hindi namin siya pinag-aaksayahan ng panahon ‘no. Tuloy po ang aming mga pagtatrabaho samantalang si VP Leni po ay namumulitika at nangangampanya na para maging presidente sa pamamagitan po ng kaniyang walang tigil na birada sa administrasyon,” pahayag ni roque.

“Kinakailangan lang pong sumagot pero this has not deflected us from.. to serve the nation at the time of pandemic. Nakatutok po kami sa trabaho at ang pulitika po is at the very back end of the mind of the President. Trabaho lang po kami, patuloy ang paninilbihan,” dagdag ng kalihim.

Read more...