WATCH: Walo katao, huli sa paglabag sa lockdown sa Maynila

Kuha ni Chona Yu/Radyo Inquirer On-Line

Walo katao ang agad na nasampulan ng mga pulis matapos ipatupad ang apat na araw na lockdown sa dalawang barangay sa Maynila.

Maagang rumonda ang mga tauhan ng Manila Police District sa Barangay 351.

Ayon kay Police Corporal Jolastino Japson, walo ang agad na dinala barangay covered court at sinermunan ng health protocols na pinaiiral ng pamahalaan kontra COVID-19.

Ayon kay Barangay 351 Captain Almira calip, lumabas kasi ng bahay ang mga inaresto.

Mahigpit kasi na ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan ang paglabas ng bahay para maiwasan ang pagkalat ng virus.

Hinahatiran naman aniya ng food boxes na galing kay Manila Mayor Isko Moreno ang mga residente.

Sa Barangay 725, tatlo katao ang nasita pero agad din na pinakawalan ng mga pulis.

12 ang nagpositibo sa Barangay 351, habang 14 ang nagpositibo sa Barangay 725.

Naka-lockdown din ang Malate Bayview Mansion matapos magpositibo ang 14 na katao habang tatlo sa Hop Inn Hotel.

Sinibak ni MPD Director Brig. General Leo Francisco si Police Lt. Cris Duque dahil dalawang pulis lang ang inilagay sa Malate Bayview Mansion.

Nagsagawa ng inspeksyon si Francisco ng 2:00 ng madaling araw at dalawang pulis lang ang naabutan sa Bayview Mansion.

Ayon kay Police Inspector William Toledo, team leader sa Bayview Mansion may kooperasyon naman ang mga nakatira rito.

Isinailalim sa swab test ang mga nagpositibo sa Bayview Mansion at sa Hop Inn Hotel.

Nagsimula ang lockdown ng March 11 ng 12:01 ng hatinggabi at tatagal ng hanggang March 14 ng 11:59 ng gabi.

Tiniyak naman ni Mayor Isko ang mga residente sa mga lugar na naka-lockdown na hahatiran sila ng mga food boxes.

Exempted sa lockdown ang medical frontliners, pulis, sundalo at barangy officials.

Narito ang buong ulat ni Chona Yu:

Read more...