Pag-aaralan ng National Task Force against COVID-19 na gawing 24/7 ang vaccination program sa Pilipinas.
Ito ay kung magdadatingan na ang milyun-milyong bakuna na binili ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa.
Ayon kay NTF Deputy Implementer Vince Dizon, ito ay para mas marami at mas mabilis ang pagbabakuna sa general population.
Maari aniyang gawing dalawa o tatlong shifts ang duty ng vaccinators kada araw.
“Pag-aaralan po natin iyan. Siyempre kailangan naman is ima-manage din po natin iyong sitwasyon ng mga vaccinators natin. Pero puwede po tayong mag-two to three shifts per day para po pagdating sa pagbabakuna ng general population natin ay mas marami at mas mabilis,” pahayag ni Dizon.
Target ng pamahalaan na tapusin ang pagbabakuna sa 3.4 milyong medical frontliner sa Hunyo.
Hinihintay pa ng Pilipinas ang mga dagdag na bakuna mula Sinovav, AstraZenec, Pfizer at Moderna.