Aminado si House Speaker Lord Allan Velasco na sagabal sa paglago ang ekonomiya ng bansa ang pagkakaroon ng mga mamamayan na patuloy na naghihirap at walang sariling bahay.
Sa kanyang talumpati sa Housing Summit na ginanap sa San Jose Del Monte City, Bulacan sinabi ni Velasco na magandang panukala para sa pag-angat ng ekonomiya ang urbanisasyon pero hindi anya ito magtatagumpay kung may mga Filipino ang walang matirahan.
“Ang urbanisasyon ay magandang panukala sa paglago ng ekonomiya ngunit hindi magkakaroon ng ganap na pag-unlad kung mayroon tayong maiiwanang mga mamamayan na wala man lamang desenteng bahay.”
Inilunsad na anya ng pamahalaan ang National Shelter Program para matulungan ang mga walang sariling bahay o kakayahang mangupahan.
Sa mga ginagawang relocation sites sabi ni Speaker Velasco, hindi lamang basta pabahay ang kanilang nais gawin kundi mayroon itong maayos na imprastratura tulad ng mga paaralan, ospital, palengke at mga kalsada.
Giit ni Velasco, “Hindi lamang maayos na bubong ang sinisikap nating ibigay sa mga tao. Ang gobyerno ay nagsisikap na ang ating mga pabahay ay may maayos na kalsada, may malapit na imprastraktura tulad ng paaralan, ospital, pamilihan at iba pang mga serbisyong pangmamamayan.”
Sinabi pa ni Velasco na prayoridad ng kasalukuyang Kongreso ang onsite, in-city at near city local government resettlement program.
Pinag-aaralan anya nila sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbuo ng maayos na pabahay sa isang komunidad.
Sabi ni Velasco, malaking hamon ngayong panahon ng pandemya para sa mga “high-density urban areas” na masunod ang physical distancing na nais ng pamahalaan.
Nauna rito, idineklara ng House Committee on Housing and Urban Development sa pamamagitan ng isang resolusyon ang housing crisis sa bansa kung saan sa pagtaya ay aabot sa 6.7 milyon na pabahay ang backlog ng pamahalaan hanggang sa matapos ang taong 2022.
Dahil dito, ayon kay San Jose del Monte City, Bulacan Rep. Rida Robes, vice chairperson ng komite, target nila na matapos ang backlog sa loob ng tatlo hanggang limang taon.
Natatagalan kasi anya ang paggawa ng isang proyekto dahil sa mga proseso na pinagdadaanan nito.
Isa sa nakikitang dahilan ni Robes ng pagdami ng informal settlers ay ang kawalan ng programa ng mga local government para sa mga inirelocate sa kanilang mga lokalidad.
“There are several LGUs, they just welcome yung mga informal settlers pero wala naman silang program….noon kasi ang mga previous management lagay lang sila ng lagay, walang school, walang clinic, walang utilities- water at electricity, dati wala yan. Ngayon complete package,” saad ni Robes.
Sa kaso anya ng San Jose del Monte na may pinakamaraming relocation sites bansa, noong mga nakalipas na panahon ay basta na lamang dinadala sa kanila ang mga informal settlers na walang kahit ano, tulad ng school, clinic at iba pa pero iba na anya ngayon sapagkat kumpleto na ito ng pangangailan ng mga inililipat.
Sinabi din ni Robes na pinag-aaralan ng pamahalaan kung ano ang gagawin sa mga pabahay na hindi naman nililipatan ng mga beneficiary nito.
Present sa Housing Summit ang mga alkalde ng Bulacan kabilang na ang host city na si Mayor Arthur Robes.
Dumalo rin dito sina Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Eduardo del Rosario at National Housing Authority General Manager Marcelino Escalada Jr.
Narito ang buong ulat ni Erwin Aguilon: